141 COCs para sa prexy, VP race hawak na ng Senado

141 COCs para sa prexy, VP race hawak na ng Senado

May 17, 2022 @ 5:37 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nasa 141 na mula sa kabuuang 173 certificates of canvass (COCs) ng mga boto para sa presidential at vice presidential race ang natanggap na ng Senado.

Ayon sa ulat ng Senate media bureau, katumbas ito ng 81.50% ng CPCs na inaasahang madadala sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

“A total of 141 Certificates of Canvass (COCs) for President and Vice President or 81.50 percent of the total 173 COCs expected to be transmitted to the Senate were delivered to the upper chamber as of 7 a.m. Tuesday, May 17, 2022,” saad ng Senate media bureau.

Ang pinakabagong batch ng mga COC na dumating sa gusali ng Senado sa Pasay City ay mula sa Tawi-Tawi, Leyte, Davao City, Zamboanga del Sur, 63 barangay ng  Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Siquijor, Bohol at Manila.

Nai-deliver na rin sa Senado ang mga COC mula Agana, Kuwait, Japan at Oman.

Mayo 10 nang simulang tumanggap ng Senado ng mga ballot boxes na naglalaman ng COCs at election returns (ERs).

Dadalhin ang mga ito sa House of Representatives bago ang May 24 o ang araw kung saan inaasahang magko-convene ang Senado at Kamara sa isang joint session at magsisilbing National Board of Canvassers para itala ang bilang ng mga boto para sa 2022 presidential and vice presidential elections.

Batay sa pinakahuling partial, unofficial count, nangunguna pa rin sa presidential race si dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mayroong 31,103,175 votes sinundan ni Vice President Leni Robredo na mayroong 14,822,051 votes.

Habang nangunguna naman sa vice presidential race si Davao City Mayor Sara Duterte na may 31,561,948 votes sinundan ni Senator Kiko Pangilinan na may 9,232,883 votes. RNT/ JCM