143 pares pinag-isang dibdib sa Kasalang Bayan sa Pasay

143 pares pinag-isang dibdib sa Kasalang Bayan sa Pasay

August 28, 2022 @ 9:45 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Pinag-isang dibdib ang 143 pares ng magsing-irog sa Kasalang Bayan sa Cuneta Astrodome nitong Sabado ng umaga (Agosto 27).

Pinangunahan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang pag-iisang dibdib ng mga magsing-irog na siya ring naging saksi at tumayong ikalawang magulang ng mga bagong kasal.

Sa naturang okasyon ay dinaluhan din ito ni Cong. Tony Calixto, Vice Mayor Ding del Rosario, Kon. Mark Calixto, Kon. Joey Calixto-Isidro, Kon. Allo Arceo, Kon. Grace Santos at Pangulo ng mga Liga ng mga Barangay Kon. Julie Gonzales pati na rin ni Josephine Rabanes na kumatawan kay Kon. Tonya Cuneta.

Samantala, sa huling datos ng City Health Office (CHO) nitong Agosto 27 ay nakapagtala ang lokal na pamahalaan ng 17 bagong kaso sa kasalukuyang 25 aktibong kaso mula sa kabuuang 29,754 kumpirmadong kaso ng COVID-19 kung saan 29,139 sa mga pasyente nito ay gumaling na habang 591 naman ang mga namatay sa virus.

Kasabay nito ay hiniling ni Calixto-Rubiano ang kooperasyon at pakikiisa ng mga residente upang mapigilan hindi lang ang pagkalat ng
virus kundi pati na rin ng iba pang sakit sa kani-kanilang mga komunidad.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na muli niyang ipinapaala-ala sa kanyang mga konstituwente na sumunod sa patuloy na pagpapatupad ng basic health protocols sa pamamagitan ng E.M.I. Habit (E- Ensure to always wash your hands; M- Mask is a must; at I- Implement physical distancing) gayundin ang paniniguro ng may maayos na bentilasyon kung saan man sila naroroon.

Hinikayat din ni Calixto-Rubiano ang mga residente na i-report sa lokal na pamahalaan kung may kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar sa pamamagitan ng pagtawag sa mga numerong 7758-5746, (0956) 778-6524 at (0917) 778-6524. James I. Catapusan