144 pang kaso ng Omicron sub-variant, natukoy sa Pinas

144 pang kaso ng Omicron sub-variant, natukoy sa Pinas

January 5, 2023 @ 6:24 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- May 144 pang natukoy na bagong kaso ng Omicron COVID-19 subvariants sa bansa batay sa pinakahuling biosurvellaince report ng Department of Health (DOH).

Sa naturang bilang, 81 ang nauri bilang BA.2.3.20, isa ang BA.2.75, pito sa BA.5, 43 naman ang XBB, isang XBC at 11 bilang ibang omicron subvariants.

Ayon sa DOH, ito ay base sa latest sequencing run ng isinagawa ng Philippine Genome Center mula Dec. 27,2022 hanggang Jan. 2, 2023.

Karagdagan umanong kaso ng BA.2.3.20 ay local cases mula Regions 3, 4A, 4B, 6, 8, at Metro Manila.

Mula naman sa Rehiyon 6 ang kamakailang natukoy na kaso ng BN.1, na iniulat sa ilalim ng BA.2.75, ay isang lokal na kaso habang ang karagdagang mga kaso ng BA.5 ay mula sa Rehiyon 3, 4B, 6 at 12.

Samantala, ang mga natukoy na kaso ng XBB kamakailan ay mula sa Rehiyon 3, 4A, 6, at Metro Manila, at ang karagdagang kaso ng XBC ay mula sa Rehiyon 6, ayon sa ulat.

Sa ngayon, ang BA.5 pa rin ang nangingibabaw na strain sa Pilipinas, na may 12,648 na kaso, ayon sa DOH.

Sinundan ito ng BA.2.3.20 na may 3,829 kaso, XBB na may 921 kaso, XBC na may 597 kaso, at BA.4 na may 325 kaso.

Mayroon ding 37 kaso ng BA.2.75 ang bansa, 18 kaso ng BQ.1, 4 na kaso ng BF.7 at 3 kaso ng BN.1.

Wala pa namang natutukoy na omicron subvariant XBB.1.5 sa Pilipinas.

Ayon kay Dr. Rontgene Solante, infectious diseases expert, ang nasabing variant ay natukoy sa 29 mga bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden