15 arestado sa drug ops sa Cavite

15 arestado sa drug ops sa Cavite

March 16, 2023 @ 5:33 PM 2 weeks ago


CAVITE- ARESTADO ang 15 hinihinalang drug traffickers at umabot sa P836,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa isinagawang buy-bust operations ng mga awtoridad sa magkahiwalay na lugar sa lalawigang ito.

Batay sa report ng Police Region 4A, bandang 11:40 kagabi, Marso 15 nang madakip ang apat na “high-value” targets sa Barangay Medicion 2-F, Imus City na kinilalang sina Rhowin del Rosario, Rhon Jacob Hilario, Maria Cristina Quinto, at Reynald Arca.

Nakuha sa mga suspek ang 105 gramo ng shabu na aabot sa halagang P714,000 batay sa Dangerous Drugs Board (DDB) valuation.

Sa Dasmariñas City naman, nadakip sina Albert Castillanes, Sonny Basallaje, at Ryan Sapao, bandang 2:30 ng hapon nitong Miyerkules, sa Barangay Sampaloc 4.

Nakumpiska sa mga ito ang 6 na pakete ng shabu na may P34,500 DBB value.

Samantala, nahuli rin ng mga operatiba ng Bacoor City police, dakong alas-6:30 ng gabi sina Niño Urgel, Ibnus Miyu, Arnold Nono, Noel Herrero, Eva Santos, at Eduardo Santos sa Barangay San Nicolas 3.

Narekober naman sa mga suspek na kilalang mga tulak ng illegal na droga sa lungsod ang 8 pakete ng shabu na may P54,400 DDB valuation.

Pagsapit naman ng alas-3:00 ng madaling araw nitong Huwebes, Marso 16, nahuli sina Renato Conching at Paulo Tambien sa Barangay Queensrow East.

Ang dalawa ay kilala nilang street-level drug peddlers at nakuha sa mga ito ang 5 pakete ng shabu na may DDB value na P34,000.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek. Mary Anne Sapico