15 na-food poison sa mami sa Tondo

15 na-food poison sa mami sa Tondo

July 21, 2022 @ 11:45 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Isinugod sa ospital ang 15 katao matapos na umanoy na-food poison nang kumain ng ‘mami’ sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ng Manila Police Distribution (MPD) nangyari ang insidente kahapon sa mga residente ng Gapan Street sakop ng Barangay 172 Gagalangin, Tondo.

Isang residente umano ang nasawi matapos makaramdam ng matinding pagsusuka at pagkahilo, pero sa pinakabagong progress report ng MPD ay nakaligtas at inoobserbahan sa ospital ang nasabing biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng MPD-Station 7, itinitinda umano ng isang Joy Dela Vega ang nasabing mamihan o ‘mami soup’ kung saan maraming residente ang bumibili ng kanyang paninda.

Makaraan lamang ng ilang oras ay isa-isa nang nakaramdam ng pagsusuka at pagkahilo ang mga biktima dahilan para sila ay isugod sa Tondo Medical Center.

Isinumite na rin ng sample ng mami soup sa Manila Health Department at dinala na sa Food and Drug Administration (FDA) para sa laboratory testing upang malaman kung ito nga dahilan ng pagkakasakit o pagkalason ng mga biktima.

Samantala, nakatakdang maghatid ng tulong ang lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ang mga nabiktima.

Ayon kay Manila Department of Social Welfare Dir. Ma. Asuncion Fugoso, nakakalungkot ang naturang insidente na ikinamatay ng isang residente ng Brgy. 172 sa Gagalangin, Tondo, habang nasa 13 ang dinala sa ospital.

Ayon kay Fugoso, mayroong nakahandang food boxes ang lokal na pamahalaang lungsod para maibigay sa mga apektadong pamilya.

Maaari rin aniyang makipag-ugnayan ang mga biktima sa MDSW para sa pinansyal na ayuda para sa hospitalization ng mga biktima gayundin para sa burol at libing ng nasawi.

Pinaalalahanan naman ni Fugoso ang lahat na mag-ingat sa mga kinakain habang sa mga nagluluto o nagbebenta ng pagkain naman ay marapat na tiyakin na ligtas ang kanilang ibinebentang produkto.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa hinihinalang food poisoning at hinihintay ang resulta ng pagsusuri sa kinuhang samples ng chicken mami. Jocelyn Tabangcura-Domenden/ JAY Reyes