15 persons of interest iniimbestigahan sa Adamson stude hazing slay

15 persons of interest iniimbestigahan sa Adamson stude hazing slay

March 1, 2023 @ 11:26 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Philippine National Police na nakitaan ng hazing marks ang bangkay ng chemical engineering student na natagpuan sa isang mababaw na libingan sa Imus, Cavite noong Martes kung saan nasa 15 persons of interest ang iniimbestigahan.

“Maliban sa statement ng ating mga witness, nakitaan natin ng mga pasa ang biktima sa kanyang binti,” ani Police Lieutenant Colonel Virgilio Jopia, acting chief of police of Philippine National Police-Biñan, Laguna, sa interbyu.

Gayunpaman, hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng autopsy examination.

Noong Martes, natagpuan ang bangkay ni John Matthew Salilig, estudyante sa Adamson University sa Maynila, mahigit isang linggo matapos itong huling makitang buhay.

Sinabi ng Biñan police na itinuro ng mga suspek na inimbitahan nila para sa imbestigasyon kung saan inilibing si Salilig.

Labinlimang persons of interest ang iniimbestigahan, pito sa kanila ang nakibahagi sa Tau Gamma Phi initiation rites para kay Salilig, dagdag niya.

“Dahil sa ginawa nating masusing investigation doon sa lahat ng personalities involved, isa-isa silang nagpunta sa ating police station,” paglalahad ni Jopia.

“Habang nagaganap ang initiation rites, nagkaroon na ng senyales ng paghihirap ang biktima dahil bandang alas-tres ng hapon ay ayon sa saksi sumuka ‘yung ating biktima,” dagdag pa ni Jopia.

“Along the way pabalik ng Maynila, ito ay binawian na ng buhay.”

“Mayroon tayong nasampahan na kaso ng una, ‘yung obstruction of justice. Kasama rin po ito doon sa ginawang initiation rites. Tapos nandito sa ating himpilan yung pito na sumasailalim sa investigation,” lahad pa ni Jopia. RNT