15 sa 16 barangay sa P’que drug-free na

15 sa 16 barangay sa P’que drug-free na

June 8, 2022 @ 10:52 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – 15 barangay sa lungsod ng Parañaque ang idineklarang drug-free ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa pagdedeklara ng drug-free ng 15 barangay sa lungsod ay binigyan naman ng komendasyon ng lokal na pamahalaan ang Parañaque Anti-Drug Abuse Council (PADAC) Diagnostic and Holding Facility dahil sa kanilang pagsisikap na malaki ang naitulong sa pagtugon at pagpigil ng ilegal na droga sa lungsod.

Iniulat ni PADAC Diagnostic and Holding Facility officer-in-charge (OIC) Christian Buhay sa regular na virtual flag raising ceremony nitong Lunes na nagsasagawa sila ng mga aktibidad ng drug anti-prevention sa pamamagitan ng edukasyon, outreach program at pagpapaalala sa mga estudyante, kabataan gayundin sa mga magulang sa iba’t-ibang komunidad sa lungsod tungkol sa nagiging epekto ng mga taong gumagamit ng ilegal na droga.

Sinabi ni Buhay na ang kanilang holding facility ay gumagana ng 24/7 na nagbibigay ng pangangalaga sa mga tulak at gumagamit ng ilegal na droga na boluntaryong sumusuko sa kanila na nangangailangan ng psychological at social intervention.

Sa kasalukuyan ay sinabi ni Buhay na ang kanilang holding facility na kanilang tinawag na ‘Bahay Silungan’ ay mayroong 25 pasyente na sa kasagsagan ng pandemya ng COVID-19 ay napagkalooban na ang mga ito ng kanilang una at ikalawang dose ng bakuna sa tulong ng Ospital ng Parañaque na pinamumunuan ng medical director ng ospital na si Dr. Jefferson Pagsisihan.

Dagdag pa ni Buhay na nitong kasalukuyang taon ay siyam na pasyente ang kanilang ini-refer sa Taguig City rehabilitation center, lima sa Cavite at lima rin sa Nueva Ecija dahil nangangailangan na ang mga ito ng kaukulang interbensiyon at panggagamot.

Nagpasalamat din si Buhay sa lokal na pamahalaan dahil sa pagbibigay ng trabaho sa konstruksyon sa isa sa kanilang naging pasyente habang ang apat din nilang pasyente ay naging benepisyaryo ng progamang Tulong Panghanapbuhay Sa Ating Disadavantaged and Displaced (TUPAD) workers ng lungsod. James I. Catapusan