150 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Malabon

150 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Malabon

October 16, 2022 @ 4:40 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tinatayang nasa 150 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Malabon City, kahapon ng madaling araw, Oktubre 15.

Ayon sa ulat, dakong ala-1:40 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa isa sa kabahayan sa Block 1 Damata, Brgy. Tonsuya kung saan mabilis na kumalat ang apoy sa katabing mga bahay na pawang gawa sa light materials.

Mabilis namang rumesponde sa naturang lugar ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at mga fire volunteer kung saan i-dineklarang fire-out ang sunog dakong alas-6:35 ng umaga.

Wala namang napaulat na nasaktan o nasawi sa nasabing insidente habang inaalam pa kung magkano ang naging pinsala sa ari-arian at kung ano ang pinagmulan ng sunog.

Kaagad namang nagpaabot ng pangunahing tulong na pagkain, malinis na inuming tubig, banig at tents si Malabon City Mayor Jeannie Sandoval sa mga pamilyang nasunugan na pansamantala nanunuluyan sa evacuation center sa covered court ng barangay Tonsuya. Boysan Buenaventura