156 patay sa leptospirosis ngayong 2022 – DOH

156 patay sa leptospirosis ngayong 2022 – DOH

August 10, 2022 @ 7:56 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Hindi bababa sa 156 na Pilipino ang namatay sa leptospirosis ngayong taon sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Martes.

Sa press briefing, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na may kabuuang 1,178 na kaso ng leptospirosis ang naitala noong 2022, kung saan 165 na kaso ang natukoy noong Hunyo 26 hanggang Hulyo 23.

Ayon kay Vergeire, ang mga rehiyon na nagtala ng pinakamaraming kaso ng leptospirosis nitong pinakahuling panahon ay ang National Capital Region (NCR), Cagayan Valley, at Central Luzon.

“Mayroon na rin po tayong nakita na case fatality mula Enero hanggang July kung saan 156 deaths were reported already for leptospirosis,” sabi ni Vergeire.

“We know that every time there is a rainy season, nagbabaha, mas vulnerable po ang population natin sa ganitong klaseng sakit” pahayag pa ni Vergeire.

Nauna nang hinimok ni Vergeire ang publiko na mag-ingat sa paglusong sa tubig-baha: magsuot ng bota, maghugas ng paa pagkatapos madikit sa tubig-baha, at magpatingin sa isang healthcare professional kung sakaling magkaroon ng sintomas. Jocelyn Tabangcura-Domenden