156th Malasakit Center binuksan sa SJDM, Bulacan

156th Malasakit Center binuksan sa SJDM, Bulacan

March 7, 2023 @ 2:34 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Dumalo si Senator Christopher “Bong” Go sa paglulunsad ng ika-156 Malasakit Center sa Ospital ng Lungsod ng San Jose del Monte (OLSJDM) sa San Jose del Monte City sa Bulacan kamakalawa.

Sinabi ni Go na bilang tagapangulo ng Senate committee on health, ang kanyang adbokasiya sa kalusugan ay nananatiling isa sa kanyang prayoridad sa pagsasabing ang programa ng Malasakit Centers ay isang mahalagang aspeto ng pangangalaga sa kalusugan ng publiko, na nagbibigay ng maginhawa at mabilis na access sa mga Pilipino na nangangailangan ng tulong medikal.

“Bakit natin papahirapan ang mga kapwa natin Pilipino? Pera naman po ninyo ‘yan, dapat po ibalik sa inyo sa pamamagitan ng mabilis na serbisyo. ‘Yan po ang Malasakit Center,” sabi ni Go.

Ang konsepto ng Malasakit Centers ay nagmula sa mga karanasan ni Go noong si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay alkalde pa ng Davao City. At sa kanyang mga pagbisita sa iba’t ibang ospital at institusyong medikal sa buong bansa, nakita niya kung paano nahirapan ang mga pasyente, lalo na ang mga nagmula sa mga mahihirap na pamilya, upang bayaran ang kanilang gastusin sa pagpapagamot.

Kaya naman iminungkahi niya ang pagtatayo ng Malasakit Centers bilang isang paraan upang mapabilis ang paghahatid ng tulong medikal at upang makatulong sa pagpapagaan ng pasanin ng mga Pilipinong nangangailangan ng medikal na paggamot.

Inilunsad ang unang Malasakit Center noong 2018 sa Cebu City. Mula noon, tumaas ang bilang ng Malasakit Centers sa 156 sa buong bansa, na nakatulong na sa mahigit 7 milyong Pilipino, ayon sa DOH.

Bawat Malasakit Center ay may desk na nagsisilbing one-stop shop para sa tulong medikal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, tulad ng Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office.

Ang Malasakit Centers Act of 2019, na opisyal na kilala bilang Republic Act No. 11463, ay nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019 upang ma-institutionalize ang programa. Si Go ang pangunahing nag-akda at nag-sponsor ng panukala sa Senado.

Pagkatapos ng launching, namahagi si Go at ang kanyang team ng food packs, masks, vitamins, shirts, fans, at snacks sa 20 admitted patients at 378 medical frontliners sa ospital. Nakatanggap din ang mga piling benepisyaryo ng bisikleta, cellphone, sapatos, relo, at bola para sa basketball at volleyball.

Samantala, nagbigay naman ng karagdagang tulong pinansyal ang mga kinatawan mula sa DSWD sa mga naka-admit na pasyente.

Binigyan ng pagkilala ng senador ang lahat ng kinauukulang opisyal, sa pangunguna ni San Jose del Monte City Representative Rida Robes, San Jose del Monte City Mayor Arthur Robes, at Vice Mayor Efren Bartolome, Jr., bukod sa iba pa, na nagtutulungan upang matiyak na mas maraming Pilipino ang makakukuha ng maginhawang access sa mga de-kalidad na serbisyong pangkalusugan mula sa gobyerno.

Bukod sa Malasakit Centers, itinaguyod din ni Go ang pagtatayo ng Super Health Centers sa buong bansa lalo na sa malalayong komunidad na magbibigay ng mga pangunahing serbisyong pangkalusugan.

Sa Bulacan, sinuportahan din ni Go ang pondo para sa pagtatayo ng mga Super Health Center sa mga lungsod ng San Jose del Monte, Meycauayan at Baliuag, at sa mga bayan ng Balagtas, Bulakan, San Miguel, Guiguinto at Pandi. Ngayong 2023, may Super Health Center na napondohan na ang itatayo sa Baliuag City, at sa mga bayan ng Angat, Marilao, Obando, Paombong, Plaridel, San Ildefonso at San Rafael. RNT