159 tsikiting regaluhan sa Pasay Day

159 tsikiting regaluhan sa Pasay Day

December 4, 2022 @ 4:57 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Namahagi si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ng Christmas gifts sa napiling 159 na kabataan kaugnay sa selebrasyon ng ika-159 anibersaryo ng lungsod nitong Disyembre 2.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na ang pamamahagi ng Christmas gifts sa mga tsikiting ay isinagawa sa huling bahagi ng programa matapos ang pagpapailaw ng malaking Christmas tree na mayroong dekorasyon na pink ornaments sa gitna ng Pasay City Hall grounds.

Lubos namang nasiyahan ang mga residenteng nakibahagi sa selebrasyon ng Pasay Day na sinimulan ng parade of lights at float parade na nilahukan ng iba’t ibang establisimiyento, samahan at pamantasan ng lungsod kasabay ng street dancing competition.

Makaraan ang pagpapailaw ng malaking Christmas tree ay inianunsyo ang mga nanalo sa street dancing competition kung saan nakamit ng Zone 20 ang third place na may premyong P30,000; second place ang sanib-pwersa ng Zone 4 at 5 na tumangay ng P40,000 at Zone 19 na nakasungkit ng P50,000 bilang gantimpala sa kanilang pagkakapanalo sa kompetisyon.

Sinabi rin ni Calixto-Rubiano na ang mga lumahok sa street dancing competition na hindi nagwagi ay pinagkalooban din ng consolation prize na P15,000.

Ayon kay Calixto-Rubiano, ang selebrasyon ng ika-159 anibersaryo ng lungsod ay naging makabuluhan para sa mga residente dahil sa muling pagbabalik ng mga aktibidad ng programang “Pasayahin sa Pasay” matapos mahinto ang pagsasagawa nito bunsod ng pandemya na dulot ng COVID-19.

Nagpasalamat naman si Calixto-Rubiano sa lahat ng nag-organisa, nakibahagi, dumalo at nakisaya sa pagdiriwang ng Araw ng Pasay. James I. Catapusan