15K aplikasyon bubuksan ng Canada para makapagsama ng pamilya bilang permanent residents

15K aplikasyon bubuksan ng Canada para makapagsama ng pamilya bilang permanent residents

October 13, 2022 @ 6:39 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nakatakdang tumanggap ang Canada ng hanggang 15,000 aplikasyon para sa family reunification program nito ngayong taon, na magiging daan para sa Canadian citizens na muling makapiling ang kanilang mga pamilya, sa pamamagitan ng pagsasama sa kanila sa bansa bilang permanent residents.

Sa anunsyo ng parliament members na sina Sonia Sidhu at Shafqat Ali nitong Oktubre 11, tatanggap ang bansa ng hanggang 15,000 kumpletong aplikasyon para sa sponsorship sa ilalim ng Parents and Grandparents Program para  sa taong ito.

Iginiit ni Sidhu na ang family reunification ay mahalaga ang ginagampanang papel sa immigration system ng Canada.

“We recognize that reuniting parents and grandparents with their families in Canada provides immense contributions to our communities. Parents, their children and their grandchildren want to be together, and our government has made significant progress toward that,” ani Sidhu.

“Today’s announcement will help reunite more families in Canada and is an important step in the right direction.”

Upang matiyak na maaabot ang target na 15,000 aplikasyon, sisimulan na ng Immigration, Refugees and Citizenship Canada (IRCC) ang pagpapadala ng imbitasyon sa 23,100 interesadong sponsors sa loob ng dalawang linggo. Ipadadala  naman ang mga imbitasyon batay sa sponsor forms na isinumite noong 2020.

Kapag naimbitahan sa programa, kakailanganin ng mga aplikante na gumamit ng bagong Permanent Residence Portal o ang Representative Permanent Residence Portal upang isumite ang kanilang aplikasyon electronically. Bahagi ito ng pagsisikap ng IRCC na pabilisin ang proseso at pagbutihin ang immigration system ng Canada.

Base sa IRCC, ikakasa nila ang mas mababang income requirement para sa sponsorship ng mga magulang at lolo at lola dahil sa hamon ng global pandemic, na posibleng nakaapekto sa potential sponsors.

Ang income requirement para sa sponsors para sa 2020 at 2021 tax years ay ang minimum necessary income. Gayundin, papayagan na maisama sa income ng sponsor ang regular employment insurance benefits maging ang temporary COVID-19 assistance, gaya ng Canada Emergency Response Benefit.

Para naman sa mga hindi makatatanggap ng imbitasyon, mayroon pa rin silang oportunidad na makasama ang mga magulang at lola at lolo sa pag-apply ng super visa para sa kanila, na isang multiple-entry visa na valid hanggang 10 taon. Papayagan sila na manatili sa Canada hanggang limang taon at bibigyan ng opsiyon na i-extend ang pananatili nang hindi umaalis sa bansa.

Ayon sa datos na nakalap ng Commission on Filipinos Overseas, ang Canada ang isa sa pinakapopular na destinasyon ng Filipino emigrants mula 1981-2018. RNT/SA