15K drayber, operator, wala pang fuel subsidy – LTFRB

15K drayber, operator, wala pang fuel subsidy – LTFRB

June 22, 2022 @ 4:52 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Tinatayang 15,000 mga benepisyaryo ang hindi pa rin nakakakuha ng kanilang fuel subsidy, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion na mayroon nang debit authority ang Landbank of the Philippines saklaw ang 264,000 LTFRB-managed modes.

“May natitira na lang daw po na sabi ng Landbank na mga 15,000 na ipapasok na din nila within this week sa kani-kanilang accounts po,” ani Cassion.

Aniya pa, isinauli ng LTFRB sa Department of Trade and Industry (DTI) ang nasa 5,000 aplikante para sa fuel subsidy na ni-reject ng Landbank dahil sa invalid accounts.

Nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa DTI hinggil dito.

Samantala, para naman sa mga subsidiya para sa mga tricycle driver na pinamamahalaan ng mga LGU, sinabi ni Cassion na naibigay na nila sa Landbank ang debit advice para ibigay ang subsidiya ng 68,000 benepisyaryo.

“For the LGU naman na mga tricycles ay nagbibigay na tayo ng debit advice po doon sa Landbank para naman po mai-credit doon sa mga GCash or may 68,000 po na over the counter naman,” aniya pa.

Samantala, ipinauubaya na aniya ng LTFRB sa susunod na administrasyon ang pamamahagi sa ikalawang tranche ng fuel subsidy. RNT/ JCM