16 bayan sa Region 2, ASF free na

16 bayan sa Region 2, ASF free na

February 17, 2022 @ 3:47 PM 4 months ago


CAGAYAN VALLEY-Labing-anim (16) na bayan sa region 2 o Cagayan Valley ang naideklarang African Swine Fever o ASF free na ngayon.

Ayon kay Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2, karamihan sa mga bayang naideklara nang ASF free sa ikalawang rehiyon ay mula sa Isabela na may labing isa, tig-iisa sa Cagayan at Nueva Vizcaya habang tatlo sa Quirino

Kinabibilangan ito ng Benito Soliven, Burgos, Cordon, Echague, Mallig, San Agustin, San Manuel, San Mariano, Quezon, San Guillermo, at Luna sa Isabela; Solana sa Cagayan; Bagabag sa Nueva Vizcaya at Aglipay, Cabarroguis at Diffun sa lalawigan ng Quirino.

Ang mga naturang lugar ay na-upgrade na sa Pink zone mula sa Red at ang ibig sabihin ang Pink na kulay ay repopulation na o bukas na muli ang pag-aalaga ng baboy.

Naililipat ang color coding ng isang lugar kapag wala ng naitalang kaso ng ASF sa loob ng lima hanggang anim na buwan.

Pagkatapos ng anim na buwan at wala ulit naitala ay maari na muling ilipat sa Yellow mula sa Pink.

Sa ngayon ay prayoridad nila ang mga bayan sa ikalawang rehiyon na nasa Pink zone.

Inamin naman ni Regional Executive Director Edillo na may naitatala nanamang kaso ng ASF sa lalawigan ng Cagayan.

Napag-alaman nila na galing ito sa mga frozen meat na nakakalusot pa rin sa mga checkpoint.

Dapat aniya ay gumawa ng paraan ang mga LGU dahil sila ang may kontrol sa kanilang mga palengke at nang hindi makalusot ang mga frozen meat.

Nakiusap naman siya sa mga nagpupuslit ng frozen meat na isipin din ang kapakanan ng iba para maideklara na ring ASF free ang ikalawang rehiyon.

Samantala, patuloy ang pamamahagi ng biik ng nasabing tanggapan. Rey Velasco