16 kinasuhan sa pag-divert ng NGO fund sa CCP-NPA

16 kinasuhan sa pag-divert ng NGO fund sa CCP-NPA

August 16, 2022 @ 9:24 AM 1 month ago


MANILA, Philippines-  Isinapubliko ng Department of Justice (DOJ) nitong Lunes ang pangalan ng 16 na indibidwal na sinasabing bahagi ng pakikipagsabwatan para mapondohan ng pera ng mga dayuhan ang ilang non-government organization (NGOs) na pang-pronta umano ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) at mga kaalyadong grupo nito.

Ang nasabing 16 na indibidwal ay sasampahan ng DOJ ng kasong kriminal matapos na makitaan ito ng probable cause para kasuhan sina:

  • Emma Teresita Cupin,

  • Susan Dejolde,

  • Ma. Fatima Napoles Somogod,

  • Augustina Juntilla,

  • Maryjane Caspillo,

  • Melissa Comiso,

  • Czarina Golda Selim Musni,

  • Maridel Solomon Fano,

  • Jhona Ignilan Stokes,

  • Hanelyn Caibigan Cespedes,

  • Angelie Magdua,

  • Emilio Gabales,

  • Mary Louise Dumas,

  • Aileen Villarosa,

  • Evelyn Naguez at

  • Aldeen Yañio

Sa isang pahayag, sinabi ng DOJ na sina Musni, Fano, Dumas, at Villarosa ay mga miyembro ng CPP-NPA at ginawang payee sa ilang mga tseke na inisyu sa ilalim ng pangalan ng Rural Missionaries of the Philippines at Rural Missionaries of the Philippines – Northern Mindanao Region (RMP-NMR).

Sinabi ng DOJ na batay sa sinumpaang salaysay ng dalawang dating miyembro ng CPP-NPA, inusisa ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga bank account ng RMP/RMP-NMR.

Ang isa sa dalawang saksi ay dating finance officer ng iba’t ibang larangan ng CPP-NPA NGO, kabilang ang RMP.

Ayon sa saksi, ang RMP ay nagpapadala ng mga panukalang proyekto sa mga dayuhang nagpopondo. Kapag naaprubahan, ang pera ay idi-divert sa mga komunistang teroristang grupo.

Si Cespedes at Magdua, na kumikilos umano bilang mga cashier at sa utos ni Gabales, ay namahagi ng mga pondo; Nagbigay si Cespedes ng 60 porsiyento kay Fano sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga tseke; at si Fano naman ay nagpadala ng pondo kay Yañez, na isang opisyal ng CPP-NPA.

Sina Cupin, Dejolde, Comiso, Caspillo, at Juntilla ay mga miyembro ng RMP board of trustees at may hawak na pangkalahatang pangangasiwa at kontrol sa mga operasyon ng grupo, sinabi pa ng DOJ.

Nauna nang inutusan ng AMLC ang bangko na i-freeze ang RMP accounts sa loob ng 20 araw, na pinalawig ng Court of Appeals sa anim na buwan.

Ang CPP-NPA ay nakalista bilang isang teroristang organisasyon ng United States, European Union, United Kingdom, Australia, Canada, New Zealand, at Pilipinas.

Pormal ding itinalaga ng Anti-Terrorism Council ang National Democratic Front bilang isang teroristang organisasyon noong Hunyo 23, 2021, na binanggit ito bilang “isang integral at hindi mapaghihiwalay na bahagi” ng CPP-NPA na nilikha noong Abril 1973. RNT