16 LGUs sa BARMM ginawaran ng Kalasag awards ng DILG

16 LGUs sa BARMM ginawaran ng Kalasag awards ng DILG

December 4, 2022 @ 1:53 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinuri ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. ang bayanihan spirit ng mga mamamayan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa pagtugon higit pa sa tawag ng tungkulin at hindi alintana na peligro sa buhay mailigtas lamang ang kapwa.

Nitong Biyernes, Disyembre 2 ay pinangunahan ni Abalos ang pagbibigay ng
22nd Gawad KALASAG Seal and Special Awards sa mga Local Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Councils at mga opisina nito sa 16 na local government units (LGUs) sa BARMM.

“It’s beyond the call of duty, everybody helping one another and I congratulate you and thank you. Your sense of responsibility and vigilance before and during all of these crises will always be known, will always be reported, and always be inscribed in our history,” sinabi ni Abalos sa kanyang speech.

Sa pahayag naman nitong Sabado, Disyembre 3 ay sinabi ni Office of Civil Defense (OCD)-BARMM Director Hamid Bayao na hinangaan nito ang pagpunta ni Abalos sa nasabing aktibidad sa kabila ng hectic schedule nito.

Dagdag pa na ang mga kinilalang LGUs ay talagang tumugon sa standards na inilatag ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

“Next time around we expect to double the number of Gawad KALASAG awardees in BARMM,” ani Bayao.

Inirepresenta naman ni BARMM Ministry of the Interior Local Government Director General Khalid Dumagay ang BARMM government sa naturang programa.

Ang “Beyond Compliant” award ay iginawad sa bayan ng Upi sa Maguindanao del Norte, samantala “Fully Compliant” naman ang ibinigay sa mga bayan ng Ampatuan, Datu Abdullah Sangki, Guindulungan, South Upi, Sultan sa Barongis, Paglat sa Maguindanao del Sur; at Parang sa Maguindanao del Norte.

Nabigyan din ng “Fully Compliant” na parangal ang mga bayan ng Bubong, Piagapo, at Wao sa Lanao Del Sur; Lamitan City at Tuburan sa Basilan; at maging ang Talipao sa Sulu.

Ang probinsya ng Basilan ay pasok din sa “Fully Compliant” category. RNT/JGC