16 pang ambulansya ibinigay ng DOH sa Calabarzon

16 pang ambulansya ibinigay ng DOH sa Calabarzon

September 18, 2020 @ 4:52 PM 1 year ago


Manila, Philippines – Namahagi pa ng 16 na karagdagang ambulansya ang Department of Health (DOH)-CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon)  sa Rehiyon.

Ayon kay DOH-CALABARZON Regional Director Eduardo C. Janairo, inuna niyang binigyan ang mga ospital at health facilities na tumatanggap ng mga COVID-19 na pasyente.

“Inuuna muna nating binibigyan ng ambulansya ang mga hospital at health facilities na tumatanggap ng mga COVID patient, especially the COVID responder hospitals para mapabilis ang pagbibigay ng kanilang serbisyong pangkalusugan at pagdadala ng mga pasyente sa isolation facilities natin sa rehiyon,” ayon kay Janairo.

Dagdag pa ng opisyal, higit na kailangan ang mga ambulansya sa mga lugar kung saan ipinapatupad ang travel restrictions.

“These land ambulances are necessities and are essential help especially now that travel restrictions are currently imposed due to the pandemic. “Kailangan nating makaresponde agad lalo na sa mga emergency COVID patients natin para madala sila sa pinakamalapit na health facility at mabigyan ng agarang lunas upang hindi na rin makawa pa ng iba at kumalat sa komunidad,” dagdag pa ni Janairo.

Sa kabuuan, mayroong 46 na mga land ambulance ang naipamigay na sa health facilities sa CALABARZON.

Ang bawat ambulansya ay nilagyan ng medical supplies na kinakailangan tuwing emergency kabilang ang automatic external defibrillator, nebulizer, portable suction machine, examining light, aneroid sphygmomanometer, folding stretcher, scoop stretcher, heavy duty stethoscope at oxygen cylinder.

Mayroon din ilang ambulansya na nilagyan ng LED TV na may flashdrive kung saan mapanonood ang mga impormasyon tungkol sa COVID. Jocelyn Tabangcura-Domenden