16 tiklo sa pagbebenta ng paputok online

16 tiklo sa pagbebenta ng paputok online

December 24, 2022 @ 2:57 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Arestado ang 16 na katao sa pagbebenta ng illegal at ipinagbabawal na paputok online.

Ito ay ayon kay PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo nitong Sabado, Disyembre 24 kung saan naaresto ang mga ito sa ikinasang entrapment operation ng pulisya.

“May mga nahuli na po tayo, as of December 22 po ay may mga 16 na katao na po tayo na nahuli because of unauthorized selling po ng firecrackers online po,” ani Fajardo sa panayam ng TeleRadyo.

“Nagsagawa po tayo ng mga entrapment operation, bumili po tayo through online at through entrapment operation po ay nakabili po tayo,” dagdag pa.

Aniya, magpapatuloy ang ganitong uri ng mga operasyon hanggang sa pagsapit ng Bagong Taon.

“Marami na po tayo namo-monitor na mga nagbebenta na po nitong mga firecrackers na wala naman pong mga corresponding permit kaya in-intensify po natin yung ating cyberpatrolling,” sabi pa ni Fajardo.

Mahigpit naman na nagpaalala ang PNP na ipinatutupad pa rin ang Executive Order No. 28 na naglilimita sa paggamit ng paputok sa mga community fireworks display lamang sabay linaw na ang mga pailaw at iba pang pyrotechnic devices ay pinapayagan naman na gamitin sa mga tahanan.

“Yung pong trumpilyo ay pumapasok po siya doon sa pailaw po kaya pupuwede po yan na gamitin po, kagaya po yan ng mga whistle device, sparklers, or Roman candle, yung mga luces, fountain, butterfly, and other types ng mga pailaw equivalent po dito sa mga nabanggit ko po na mga pyrotechnic devices ay pwede naman pong gamitin sa mga residential areas,” sinabi pa nito. RNT/JGC