1,600 pamilya inilikas sa Davao quake

1,600 pamilya inilikas sa Davao quake

March 10, 2023 @ 7:04 PM 2 weeks ago


DAVAO- NANATILI sa 20 evacuation centers ang higit sa 1,600 na apektado ng magkasunod na malalakas na lindol na tumama sa probinsya ng Davao de Oro at Davao del Norte noong Marso 6 at 7, 2023.

Sa huling talaan ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Office XI, kahapon (Huwebes) nasa 352 kabahayan ang nasira habang 394 naman ang partially damaged.

Nakapagtala naman ng 61 sugatan habang ang iba ay nawalan ng malay dahil sa takot.

Umabot naman sa walong kalsada ang nasira sanhi ng pagguho ng lupa at isang tulay ang apektado ng lindol.

Tinataya naman na aabot sa P42 milyon halaga ang napinsalang imprastraktura sa Davao Region.

Habang sa Tagum City hall sa Davao del Norte, nabasag ang glass wall at nagkalat na monobloc sa Civil Registrar’s Office.

Ayon sa PHIVOLCS, noong Marso 7, ibinaba sa magnitude 5.9 mula sa magnitude 6.2 ang lindol na tumama sa New Bataan sa Davao De Oro bandang 2:02 ng hapon.

Naitala ang mga pagyanig sa mga sumusunod na lugar:

Intensity V – Maco, Maragusan, Nabunturan, New Bataan, and Pantukan, Davao de Oro

Intensity IV – Monkayo, Davao de Oro; City of Tagum, Davao del Norte; City of Bislig, Surigao del Sur

Intensity III – Santa Cruz, Davao del Sur; City of Davao; City of Mati, Davao Oriental

Intensity II – City of Cagayan De Oro; Antipas, Carmen, at City of Kidapawan, Cotabato; Columbio, Sultan Kudarat

Intensity I – Aleosan, Cotabato; Esperanza, Lutayan, at President Quirino, Sultan Kudarat. Mary Anne Sapico