1,654 barangay sa Region 2 ‘drug cleared’ na

1,654 barangay sa Region 2 ‘drug cleared’ na

December 5, 2022 @ 7:56 PM 2 months ago


RAMON, Isabela – Tinatayang nasa 95.39% o katumbas ng 1,654 barangay sa Region 2 ang naideklara na bilang drug cleared ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing ng Philippines Drugs Enforcement Agency o PDEA.

Halos umabot na sa 95.39% ang bilang ng mga barangay na ligtas sa impluwensiya ng iligal na droga na resulta ng mahigpit na kampanya sa illegal drugs ng otoridad.

Batay sa datos, mula Hulyo 2016 hanggang Disyembre ngayong taon ay nasa 1,654 na ang naideklarang drug cleared mula sa 1,734 drug affected barangays sa rehiyon.

Sa panayam ng REMATE kay PCol. Julio R. Go, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO ay halos 99.18% na ang naideklara at ang nalalabing 0.82% ay nanatiling drug affected na kasalukuyan ng tinutukan ng pulisya kasama ang PDEA Region 02.

Ayon kay PMaj. Christopher Danao, hepe ng Ramon Police Station sa pinaigting na kampanya sa illegal drugs sa naturang bayan ang 19 na barangay nito ay tuluyan na rin naideklarang drug cleared at una na rin naigawad ng PDEA Region 2 ang kanilang istasyon na drug free work place.

Kung saan ay susunod na ang bayan ng Ramon na maideklarang drug cleared municipality sa unang quarter sa sunod na taon 2023.

Ang Nueva Vizcaya ay may 94.44% na sinundan ng Cagayan na may 92.49% habang ang Batanes ay may 75% at ang Santiago City ay may 26%.

Habang nanatili namang drug cleared ang lahat ng barangay sa probinsya ng Quirino.

Labimpitong barangay pa mula sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela at Nueva Vizcaya ang idideklarang drug cleared at isa sa mga ito ay provisionally cleared pa lamang

Apat namang munisipalidad ang inaprubahan ng Regional Oversight Committee para maging drug cleared municipalities na kinabibilangan ng Gattaran sa Cagayan, Sta Maria at Sto Tomas sa Isabela at Kasibu sa Nueva Vizcaya.

Samantala, umaasa ang mga otoridad na patuloy na mapagtatagumpayan ang kampanya kontra sa iligal na droga ngayon 2023 bago magtapos umano ang unang quarter. Rey Velasco