167 dagdag-kaso; 4 pa patay sa COVID

167 dagdag-kaso; 4 pa patay sa COVID

January 26, 2023 @ 6:39 AM 1 day ago


Nakapagtala ang Department of Health (DOH) nitong Miyerkules ng 167 bagong kaso ng COVID-19, habang ang bilang ng aktibong kaso ay bumaba pa sa 10,109 mula sa 10,228 noong Martes.

Batay sa pinakahuling datos ng DOH, ito ang ikatlong araw na sunod-sunod na wala pang 200 bagong impeksyon sa COVID-19, habang ang nationwide tally ay tumaas sa 4,072,261.

Ang National Capital Region (NCR) ay nanatiling nangungunang rehiyon na may pinakamataas na bilang ng mga kaso sa nakalipas na dalawang linggo na may 1,059 na impeksyon na naitala.

Sinundan ito ng Calabarzon na may 538, Western Visayas na may 270, Central Luzon na may 253, at Cagayan Valley na may 215.

Samantala, ang recovery tally ng bansa ay umakyat sa 3,996,422 na may 188 na bagong recoveries.

Ang bilang ng mga namatay, sa kabilang banda, ay tumaas din sa 65,730 na may apat na bagong pagkamatay.

Bahagyang tumaas ang bed occupancy ng bansa sa 18.7%, na may 5,011 na kama ang okupado at 21,733 ang bakante noong Martes, Enero 24.

May kabuuang 11,236 na indibidwal ang nasubok, habang 330 testing lab ang nagsumite ng data noong Martes, Enero 24. RNT