169 kaso ng acute hepatitis sa mga bata, naitala sa maraming bansa – WHO

169 kaso ng acute hepatitis sa mga bata, naitala sa maraming bansa – WHO

April 24, 2022 @ 4:13 PM 2 months ago


HINDI bababa sa 169 na kaso ng acute hepatitis sa mga batang edad isang buwan hanggang 16-taong gulang ang natukoy sa outbreak na kinasasangkutan ngayon ng 11 mga bansa, ayon sa World Health Organization (WHO).

Sa nasabing bilang ng kaso, isa na ang naitalang nasawi habang 17 ang kinakailangang sumailalim sa liver transplants.

“It is not yet clear if there has been an increase in hepatitis cases, or an increase in awareness of hepatitis cases that occur at the expected rate but go undetected,” saad ng WHO.

“While adenovirus is a possible hypothesis, investigations are ongoing for the causative agent.”

Maraming mga kaso ang nag-ulat ng mga sintomas ng gastrointestinal gaya ng pananakit ng tiyan, pagtatae at pagsusuka pati na rin ang pagtaas ng antas ng mga enzyme sa atay o alanine aminotransaminase at jaundice.

Karamihan sa mga kaso ay hindi nagkaroon ng lagnat habang ang mga pangkaraniwang virus na nagdudulot ng acute viral hepatitis gaya ng hepatitis viruses A, B, C, D, at E ay hindi na-detect sa mga kasong ito.

Ang Hepatitis ay ang pamamaga ng atay, isang vital organ na nagpoproseso ng nutrients, sumasala sa dugo at tumutulong sa paglaban sa impeksyon.

Samantala, mayorya ng mga kaso o 114 ang naitala sa United Kingdom; 13 sa Spain, 12 sa Israel, siyam sa United States at maliit na bilang sa Denmark, Ireland, the Netherlands, Italy, Norway, France, Romania at Belgium.

Noong huwebes, matatandaang nagpalabas ang US Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng isang health advisory na umaalerto sa mga health care providers at public health authorities na imbestigahan ang acute cases ng hepatitis na may mga “unknown causes.” RNT/ JCM