17 pang Pinoy bakwit sa Ukraine pauwi ng Pinas – Bello

17 pang Pinoy bakwit sa Ukraine pauwi ng Pinas – Bello

March 3, 2022 @ 8:27 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III nitong Miyerkules na 17 pang Pilipino ang malapit nang dumating sa Pilipinas mula sa Ukraine sa gitna ng sigalot sa Russia.

Sa panayam sa Dobol B TV, sinabi ni Bello na lumipad ang 17 Filipino mula sa Poland at pinuri si Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr. sa personal na pagsundo sa kanila mula sa Lviv, Ukraine.

“Bilib ako. Nakita ko. Biro mo, sinundo niya yung 17 from Lviv, papunta sa border ng Poland. And from Poland, nilipad sila. Parating na yung 17 na kababayan natin,” anang labor chief.

Sinabi ni Bello na may mga Pinoy na ayaw nang bumalik sa Pilipinas at nananatili sa Ivano-Frankivsk sa Ukraine habang hinihintay nilang humupa ang armadong labanan.

Noong Pebrero 18, anim na Pilipino sa Ukraine ang pinauwi.

Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), may humigit-kumulang 380 Pilipino sa Ukraine.

Nitong Pebrero 25, sinabi ng DFA na may kabuuang 181 Pilipino ang naitala.

Tiniyak ng Malacañang sa publiko na nakahanda ang gobyerno ng Pilipinas na tulungan ang mga Pilipino sa Ukraine. RNT