17 sa 188 drayber na sumailalim sa random drug screening, nagpositibo-LTO

17 sa 188 drayber na sumailalim sa random drug screening, nagpositibo-LTO

September 28, 2022 @ 12:26 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagkasa ang Transportation Office (LTO) ng random drug screening sa Cubao at Parañaque terminals nitong Setyembre kung saan 17 sa 188 na nasuri ang nagpositibo rito.

Ang screening ay bahagi ng proactive strategy ng LTO sa pagpapatupad ng anti-drunk at drugged campaign ng bansa habang bumabalik sa normal ang volume ng mga sasakyan sa mga kalsada, ani Alex Abaton, LTO special legal assistant to the Office of Assistant Secretary.

“In fact, under the provision of Republic Act 10586, hindi pupuwedeng tumanggi ang isang driver na hindi magpa-drug test dahil bahagi po ‘yan do’n sa mandatong binibigay ng ating batas sa LTO bilang lead agency na pangunahan natin ang kampanya laban sa droga,” ani Abaton sa interbyu sa CNN.

Nauna nang sinabi ng LTO na magsasagawa ito ng mas maraming terminal inspections at quick random drug test sa mga PUV driver sa buong bansa. Idinagdag ni Abaton na makikiisa sa mga operasyon ang Philippine National Police-Highway Patrol Group at Philippine Drug Enforcement Agency.

Gayundin, nakapagtala na ang LTO ng 558 road crash incidents sa Metro Manila, kung saan 487 driver ang nagpositibo sa pagkalasing sa alak.

Ang mga sample ng laway o dugo ng mga driver para sa mga jeepney, van, taxi, o bus na naroroon sa inspeksyon ng terminal ay kukunin para sa mandatory random drug test. Ang mga positibong resulta ay sasailalim sa isang confirmatory test.

Sa ilalim ng Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, ang mga driver na mapapatunayang nagmamaneho habang lasing o naka-droga ay dapat pagmultahin ng hanggang P500,000. Ang lisensiya sa pagmamaneho ng isa ay kukumpiskahin din at sususpindihin ng isang taon, ayon sa batas. RNT