170 bangkay ng Bilibid inmates ininspeksyon

170 bangkay ng Bilibid inmates ininspeksyon

November 13, 2022 @ 9:06 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Ininspeksyon ng mga awtoridad ang nasa 170 bangkay ng New Bilibid Prison inmates na nakatambak pa rin sa Eastern Funeral Homes.

Mismong ang mga opisyal ng Bureau of Corrections at Philippine National Police (PNP) ang sumama sa inspeksyon sa pangunguna ng Department of Justice at ni forensic pathologist Dr. Raquel Fortun.

“I saw about 50 remains na medyo maganda pa in terms of… nandiyan yung pinaka-recent na namatay, and kahit papaano, mukhang suitable for examination,” sabi ni Fortun.

“Pinakita sa akin around 120 plus daw. As described earlier, mummified remains. Tuyot na, and I doubt if we could still see something there. You know, sa forensic work, we try,” dagdag pa niya.

Sa ulat, napag-alaman na patong-patong na ang mga bangkay at ang ilan sa mga ito ay nakatambak na ng mahigit tatlong buwan.

“We have to fix the system na hindi matatambakan. Kawawa rin yung punerarya, at kawawa yung patay na, come on, give them dignity in death,” ani Fortun.

Samantala, sinabi naman ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag na tinutugunan na nila ang naturang isyu.

“Habang hindi kinukuha yan, eh ‘di inaayos yung paglilibingan. May casket din, dadalhin doon,” sabi naman ni Bantag.

“We really have to see kung ano yung mga considerations na pumasok doon, kung bakit mas mataas ang death rate sa loob. At doon pumapasok ang report or investigation natin dito sa mga bangkay na ito. If there’s really foul play found here, kailangan natin tingnan kung anong nangyari doon,” batay naman sa naging pahayag ni Justice Department Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano.

“And of course, if it merits, we will really have to file cases also,” dagdag pa niya.

Ang tinututukan pa ng DOJ ay ang usapin sa kalusugan lalo pa ang naturang punerarya ay nasa likod lamang ng isang creek sa Muntinlupa. RNT/JGC