171K pamilya, apektado ng ulan, baha sa shear line – NDRRMC

171K pamilya, apektado ng ulan, baha sa shear line – NDRRMC

January 5, 2023 @ 2:24 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Pumalo na sa 170,970 ang bilang ng pamilya na apektado ng malakas na pag-ulan at pagbaha dahil sa shear line.

Sa update report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi nito na may katumbas na 681,493 indibidwal ang pamilyang apektado ng malakas na pag-ulan at pagbaha dahil sa shear line.

Ang mga pamilyang ito ayon sa NDRRMC ay nakatira sa 1,132 barangay sa Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, Davao Region at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ang pamilya na nananatili sa 163 evacuation centers ay 6,635 o may katumbas na 23,536 indibidwal, ang mga natitira naman ay bumalik na sa kanilang bahay o tinutulungan ng mga kamag-anak at pamilya.

Ang mga napinsalang bahay ay 5,152 kung saan 4,242 mula sa nasabing bilang ay “partially damaged” at 910 naman ang “totally damaged”.

Nananatili naman sa 52 ang bilang ng mga namatay kung saan 13 ang kumpirmado.

Samantala, pumalo naman sa 16 ang nasugatan kung saan dalawa ang validated.

Ang napaulat na nawawala ay umabot na sa 18, kung saan 7 ang kumpirmado. Kris Jose