176 bangkay ng Bilibid inmates nakatengga sa punerarya mula 2021

176 bangkay ng Bilibid inmates nakatengga sa punerarya mula 2021

November 8, 2022 @ 10:54 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nanatili pa rin sa punerarya sa Alabang simula noong Disyembre ang nasa 176 labi ng mga inmates mula sa New Bilibid Prison (NBP), ayon sa manager ng Eastern Funeral Homes.

Ang nasabing punerarya ay ang tanging accredited funeral home ng Bureau of Corrections sa Muntinlupa City kung saan umapela sa pamahalaan na mailibing na ang mga bangkay upang lumuwag ang kanilang storage.

Ayon sa manager ng punerarya na si Charlie Bucani, karaniwang ikinamatay ng mga inmates na dinadala sa kanila ay ‘natural deaths’ pero tapos na rin aniya ang kanilang autopsy.

Ang mga namamatay umano sa COVID ay pinapa-cremate na agad ng NBP.

Ayon pa sa ulat ng 24 Oras, kada buwan ay 50 hanggang 60 mga labi ang dinadala sa kanila kabilang na rito ang umano’y middleman sa pagpatay kay Percy ‘Lapid’ Mabasa na si Cristito Villamor Palaña.

Sa panig naman ng Department of Justice, sinabi ni Justice Secretary Crispin Jesus “Boying” Remulla na nagulat ang mga imbestigador at ng NBI nang magsagawa ng autopsy sa punerarya nang makita ang 30 bangkay sa loob ng punerarya.

Pinaiimbestigahan naman na ni Remulla ang nasabing isyu.

“This is now being studied by the police. We want to know how all these people died. The cause of death and the facts surrounding their deaths. But the rest of the organization we cannot tell now. We will study it. We can know how long this has been going on,” anang Secretary of Justice.

Sinabi pa ni Bacani na may request na sila sa BuCor na dapat nang ilibing ang 126 na mga unclaimed cadaver. Jocelyn Tabangcura-Domenden