1,760 armas sa W. Visayas isinuko kapalit ng bigas

1,760 armas sa W. Visayas isinuko kapalit ng bigas

March 8, 2023 @ 9:13 AM 3 weeks ago


ILOILO CITY- NASAMSAM ng mga operatiba ng Police Regional Office (PRO) 6 (Western Visayas) ang 1,760 loose firearms sa ilalim ng kampanyang Tokhang Kontra Armas Luthang (TKAL) mula Agosto 15, 2022 hanggang Pebrero 28 ngayong taon, kapalit ng bigas o pera.

Sa pahayag ni Maj. Grace Borio, tagapagsalita ng PRO-6, nitong Martes, muling binuhay ang “TKAL” ng PRO-6 laban sa kriminalidad lalo na ang pagsugpo sa pagtaas na bilang ng loose firearms.

Aniya, ipinatupad ng PRO-6 ang soft hand approach o ang Tokhang Panagbalay, ang magalang na paraan ng mga Ilonggo sa pag-apila para sa suporta at kooperasyon mula sa komunidad, at ang iron hand approach o nakatutok na target na operasyon para naman sa pagsilibi ng search warrant.

Sa ilalim ng soft hand approach, pinasimulan ng Negros Occidental Police ang Armas Baylo Bugas (bigas kapalit ng baril) habang ang Iloilo Police ay may Oplan Sigabong (Ilonggo Cops’ Campaign Against Loose Firearms), na nagbibigay ng monetary reward na P10,000 para sa positibong impormasyon at mga tip sa pagbebenta o paggawa ng mga loose firearms.

Ang pamamaraan ng PRO-6 ay nagresulta ng pagkumpiska ng 1,615 na baril habang ang mga target na operasyon ay nakarekober ng 145 na baril at karamihan sa mga ito homemade firearms na narekober sa Negros Occidental kapalit ng bigas./Mary Anne Sapico