17,946 indibidwal nadakip sa buong linggong anti-criminality ops sa QC

17,946 indibidwal nadakip sa buong linggong anti-criminality ops sa QC

September 5, 2022 @ 6:50 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Umabot sa 17,946 na katao ang siyang nadakip ng Quezon City Police District (QCPD) sa isinagawang isang linggo anti-criminality operation na sinimulan ng August 29 hanggang September 4.

Ito ang siyang inanunsyo ni Director, Police Brigadier General Nicolas D Torre III, sa operasyon ng iba’t ibang istasyon ng kapulisan at unit sa nasabing lungsod.

Base sa rekord, sa isinagawang 32 drug operations ay nakaaresto ng mga operatiba ng QCPD ng 72 drug personalities at nakakumpiska ng aabot sa P999,124 halaga ng shabu at P11,400 halaga naman ng marijuana.

Sa operasyon laban sa anti-illegal gambling, sa ikinasang 14 na operasyon ay naaresto ang 51 sugarol na nakumpiskahan ng P8,918 bet money, habang 61 naman ang mga nadakmang Most Wanted Persons, kabilang ang isang suspek na lumabag sa R.A. 10591.

Pumalo naman sa 17,761 indibidwal ang nahuli na lumabag sa City Ordinances, 508 dito ay ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar; 39 ang naglalakad na walang suot na pang-itaas; 2,667 ang walang suot na face mask; 9,518 ang hindi naman maayos ang pagkakasuot ng facemask; 524 sa jaywalking; 4,211 ang lumabag sa batas trapiko; 151 illegal vendors at 143 para sa mga espesipikong mga ordinansa kung saan 16,312 ang winarningan habang 1,449 ang pinagmulta.

Pinuri naman ni QC Mayor Joy G Belmonte ang pamunuan ng QCPD sa walang pagod at patuloy na nagsasagawa ng mga operasyon laban sa kriminalidad upang matiyak ang pagkakaroon ng peace and order sa lungsod.

“Kaisa ninyo kami sa pagtataguyod ng tunay na pagkakaisa ng pulisya at mga mamamayan laban sa kriminalidad,” pahayag ng alkalde.

Pinasalamatan din ni PBGen. Torre III ang kaniyang mga tauhan sa kanilang trabaho at walang humpay sa pagpapatrulya upang masigurong ligtas ang mga residente sa lungsod laban sa masasamang loob. Jan Sinocruz