179K senior binigyan ng regalo ng Manila LGU

179K senior binigyan ng regalo ng Manila LGU

December 16, 2022 @ 6:55 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Natapos na ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila ang pamamahagi ng mga regalong Pamasko sa may 179,000 mga senior citizen na residente ng lungsod sa loob lamang ng dalawang araw.

Mismong sina Mayor Maria Shiela “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto ang nangasiwa sa pamamahagi ng mga regalong Pamasko sa mga matatanda na kinapapalooban ng kape, tumbler at cookies sa bawa’t barangay mula sa una hanggang ika-anim na distrito ng lungsod.

Buong araw ng Huwebes ay umikot sina Mayor Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo sa iba’t-ibang barangay mula sa District 1, 3 at 6 upang pangunahan ang distribusyon ng mga Christmas gift boxes sa mga senior citizen upang matapos na ang pamamahagi nito na nagsimula noong araw ng Miyerkules.

“Kami po ay masaya para sa inyo, sa totoo lang, napaka-spoiled ninyo, spoiled kayo sa amin, ganyan po ka-importante ang mga senior citizen sa Lungsod ng Maynila” pahayag ng alkalde sa kanyang pagsasalita sa harap ng mga matatandang naninirahan sa Barangay 394, District 3 na tumanggap ng regalong Pamasko.

Nangako naman ng kauna-unahang babaing alkalde ng kapitolyo ng bansa na lalu pa nilang pagbubutihin ang kanilang trabaho at gagawin ang lahat upang maipagkaloob ang lahat ng pangangailangan ng mga senior citizen. JAY Reyes