179K senior sa Maynila bibigyan ng Christmas box

179K senior sa Maynila bibigyan ng Christmas box

December 14, 2022 @ 7:34 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nasa 179,000 senior citizen na nakatira sa lungsod ng Maynila ang makatatanggap ng Christmas gift box mula sa lokal na pamahalaang lungsod ngayong Kapaskuhan.

Muling pinangunahan nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto ang pamamahagi ng Christmas gift boxes sa mga senior citizen nitong Miyerkules kung saan naglalaman ito ng cookies, tumbler at kape.

Nabatid na tanging mga senior citizen lamang ang makatatanggap ng nasabing regalo mula sa pamahalaang lungsod na naninirahan sa 897 barangay sa Maynila, kahit ilan pa ang bilang nila sa isang pamilya.

“Pagdamutan po ninyo ang aming munting nakayanan. Ito lamang po ang aming paraan para patunayan po sa lahat ng ating mga senior citizens kung gaano po kayo ka-importante sa amin dahil kung wala po kayo, saan naman kami manggagaling? Wala rin po di ba? Kaya dapat lang mapangalagaan namin kayo,” pahayag ni Mayor Honey Lacuna-Pangan nang isagawa ang unang araw ng kanilang pamamahagi sa Barangays 96 and 97 in Tondo.

Nabatid na sa loob lamang ng labindalawang araw ay natapos na ang pamamahagi ng Christmas food boxes sa may 695,000 pamilya sa lungsod kaya’t umaasa ang alkalde at bise alkalde na matatapos nila sa loob lamang ng dalawang araw ang distribusyon ng mga gift boxes sa mga matatanda. JAY Reyes