18 anyos, tinangkang halayin ng kainuman

18 anyos, tinangkang halayin ng kainuman

August 8, 2018 @ 5:58 PM 4 years ago


 

Valenzuela City – Kalaboso ang isang empleyado ng e-cigarette shop matapos niyang saktan at tangkaing halayin ang kainumang babae kamakalawa ng umaga sa Valenzuela City.

Amoy-alak pa si Paul Andrie Poral, 24 ng Brgy. Karuhatan nang dakpin ng mga tauhan ng Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 2 matapos ireklamo ng 18-anyos na Grade 11 student na si Lorna (hindi tunay na pangalan), residente rin ng nasabing barangay.

Sa isinumiteng ulat ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) kay Valenzuela police chief Sr. Supt. David Nicolas Poklay, sumamang makipag-inuman ang biktima sa mga kaibigang sina Poral at Cedrick Bulalayao sa isang bar sa BBB Marulas alas-12 ng gabi ng araw ng Linggo.

Dakong alas-2 ng madaling araw nang magtungo ang tatlo sa e-cigarette shop na pinagtatrabahuan ni Poral at doon nila itinuloy ang inuman hanggang malasing at makatulog ang biktima.

Namalayan na lamang ni Lorna na hinuhubad na ng suspek ang suot niyang damit at sinimulang paglaruin ang mga kamay sa kanyang dibdib habang pilit na ibinababa ang suot niyang short pants.

Nang tangkain na ng suspek na isagawa ang panghahalay, dito na nagkaroon ng sapat na lakas ang biktima na itulak ang suspek na nakapatong na sa kanya na naging dahilan upang mabitin at mairita si Poral.

Pinagsasampal ng lalaki at sinabunutan ang dalaga at pinagtabuyang palabas ng shop.

Gayunman, nang papalabas na ng gate ang dalaga, sinundan siya ni Poral, hinablot ang buhok at kinaladkad pabalik sa loob ng shop.

Inubos naman ng dalaga ang nalalabing lakas at malakas na itinulak ang lalaki bago nagtatakbong palabas hanggang makahingi ng tulong sa pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Nahaharap ngayon sa mga kasong tangkang panggagahasa at pananakit si Poral sa Valenzuela City Prosecutors Office. Rene Manahan