18 pa patay sa COVID; 369 dagdag-kaso

18 pa patay sa COVID; 369 dagdag-kaso

January 3, 2023 @ 7:00 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Department of Health (DOH) nitong Lunes ng 369 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, isang araw pagkatapos ng pagdiriwang ng bagong taon.

Ito ang pinakamababang single-day tally sa loob ng limang araw at ang ika-11 sunod na araw ng mas kaunti sa 1,000 bagong kaso matapos ang 1,031 bagong impeksyon na nairehistro noong Disyembre 22.

Batay sa bulletin ng DOH, nasa 4,065,173 na ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa buong bansa.

Ang mga aktibong impeksyon ay bumaba sa 12,660 mula sa 13,061 noong Linggo. Ito ang pinakamababa sa halos anim na buwan, mula noong 12,528 na kaso ang nasubaybayan noong Hulyo 8, 2022.

Ang kabuuang bilang ng mga nakarekober ay tumaas ng 777 hanggang 3,987,098 habang ang kabuuang bilang ng mga nasawi ay nasa 65,415 na may 18 bagong nasawi.

Ang pinakamataas na bilang ng mga bagong kaso sa nakalipas na 14 na araw ay naitala sa Metro Manila na may 3,050. Sinundan ito ng CALABARZON na may 1,431; Central Luzon na may 682; Kanlurang Visayas na may 374 at Cagayan Valley na may 280.

May kabuuang 3,686 na indibidwal ang nasuri para sa COVID-19 noong Linggo, Enero 1, 2023, habang 268 na testing laboratories ang nagsumite ng kanilang mga resulta.

Nasa low risk pa rin ang bed occupancy ng bansa na may 17.1% o 4,618 sa kabuuang 27,085 na mga kama na na-occupy at 22,467 ang bakante. RNT