18 paslit nakaranas ng adverse reactions sa Sangobion Kids – FDA

18 paslit nakaranas ng adverse reactions sa Sangobion Kids – FDA

January 13, 2023 @ 2:18 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nasa labing-walong bata ang napaulat na nakaranas umano ng adverse reactions matapos na uminom ng Sangobion Kids, isang iron at vitamin B-complex syrup na nauna nang ipinabawi sa merkado.

Sa press release ng Food and Drug Administration (FDA) na may petsang Enero 11, sinabi nito na hanggang Enero 9 ay kabilang sa karaniwang adverse drug reactions (ADR) na natatanggap nila patungkol dito ay ang pagsusuka, diarrhea, kawalan ng ganang kumain at sakit sa tiyan.

Sa kabila nito, wala namang nakamamatay o life-threatening cases.

Matatandaan na nauna nang inanunsyo ng FDA na boluntaryong ipinababawi sa merkado ng manufacturer nito ang Sangobion Kids “Iron + Vitamin B-Complex” syrup matapos itong makitaan ng ethylene glycol na higit sa maximum allowable limit.

Sa ganitong pagkakataon ay maaari itong makapagdulot ng adverse reactions.

Hanggang nitong Enero 5, iniulat ng FDA na nasa 135,027 bote na sa kabuuang 426,756 na imported Sangobion Kids syrup ang nailagay na on-hold sa distributor warehouse ng Marketing Authorization Holder

Samantala, kinumpirma naman ng 234 sa 445 distributor at retailer nito na ang 34,660 bote ng syrup ay naitago na.

Nagpaalala naman ang FDA sa mga batang makaiinom nito at makararanas ng side effect na tumawag sa kanilang National Poison Management and Control Center sa (02) 8524 1078 (PLDT), +63 966 718 9904 (Globe), o Fax: 02-526.

Maaari ring tawagan ang kanilang Center for Drug Regulation and Research sa (02) 88095596 para sa hinihinalang kaso ng ADR. RNT/JGC