18 POGO kinandado

18 POGO kinandado

February 24, 2022 @ 9:16 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Ipinasara ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang nasa 18 lisensiyadong Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) gayundin ang kanilang support service providers na matatagpuan sa Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) dahil sa hindi pagrehistro sa tax agency.

Sa pahayag ng pamunuan ng BIR, ang mga POGO firms at service providers ay iniutos na ipasara sa isinagawang enforcement operations ng POGO Task Force nito noong Pebrero 11.

Kabilang sa ipinasara ng BIR, na ang lahat ay “off-shore based” at lisensiyado ng CEZA, ay ang Asian BGE Limited; Fine Day Holdings Limited; Hana Talk Inc.; NCGAC Limited; NEO Kingdom Limited; Oak Tree Services, Limited; Succeed Asia Limited; at Wealthy Leap
WUS Technologies Holdings Limited.

Nabatid sa BIR, alinsunod sa Seksyon 2 ng Republic Act 11590 o ang POGO Law, ang isang offshore gaming licensee ay dapat ituring na nakikibahagi sa pagnenegosyo sa Pilipinas kaya’t kinakailangan nilang magparehistro sa BIR.

Sa ilalim ng Sec. 5 ng Revenue Regulations (RR) No. 20-2021, ang hindi pagpaparehistro ng mga POGO sa BIR ay itinuturing na “fraudulent act”, na may kasamang parusa sa pagpapatupad ng mga closure order laban sa mga lalabag na offshore gaming licensees na kasama rin ang pagsasara ng lahat ng kani-kanilang accredited service providers.

Giit ng BIR, mananatiling suspendido ang mga ipinasarang POGO licensee at service provider hangga’t hindi nila nakukumpleto ang kanilang registration requirements at iba pang tax regulations gayundin ang pagbabayad sa kanilang mga deficiency taxes at penalties.

“May these closure operations against unregistered POGO entities, along with our other tax enforcement activities like filing of tax evasion cases and intensified tax audit and investigation, serve as a deterrent for those who would commit tax violations,” ani BIR Commissioner Caesar Dulay.

“We urge all taxpayers to comply with the Bureau’s registration requirement, filing and payment of taxes, and other tax obligations in order to avoid facing business closure, penalties and possible criminal charges before the court,” saad pa ni Dulay. Jay Reyes