18,000 COVID cases kada araw sisirit sa Nobyembre sa ‘di pagsuot ng facemask-DOH

18,000 COVID cases kada araw sisirit sa Nobyembre sa ‘di pagsuot ng facemask-DOH

October 27, 2022 @ 10:26 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Ibinabala ng Department of Health na posibleng umabot sa  18,000 kada araw sa Nobyembre o Disyembre ang kaso ng COVID-19 kung hindi na ipagpatuloy ng mga tao ang pagsusuot ng kanilang mga face mask.

“Sinasabi sa projections na towards November and December of this year, kung magtatanggal tayo ng masks, maaaring tumaas ang kaso natin from 2,500 at the lower limit, to as high as 18,000,” ani DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.

Ang komento ni Vergeire ay kasunod ng balitang maglalabas ng kautusan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa opsyunal na pagsusuot ng face mask sa indoor settings.

Nanawagan naman ang Health official sa publiko na timbangin ang kanilang mga panganib bago tanggalin ang kanilang mga maskara sa loob ng bahay, isinasaalang-alang ang mabagal pa ring booster uptake sa bansa.

Hindi bababa sa 20.4 milyong Pilipino sa 73.4 milyong ganap na nabakunahan na mga indibidwal ang nakatanggap ng kanilang mga booster shot, batay sa national COVID-19 vaccination dashboard ng DOH.

Hinikayat muli ni Vergeire ang publiko na magpabooster shot para madagdagan ng proteksyon laban sa COVID-19. RNT