186% tigdas-sirit sa 2022

186% tigdas-sirit sa 2022

January 25, 2023 @ 10:06 AM 1 week ago


MANILA, Philippines — Naitala ng Department of Health (DOH) ang nasa 186 percent pagtaas ng kaso ng tigdas noong 2022.

Lumabas sa pinakahuling Disease Surveillance Report ng DOH na 589 na kaso ng tigdas ang naitala noong nakaraang taon kumpara sa 206 noong 2021.

Ang Calabarzon ang may pinakamataas na kaso ng tigdas na may 110 na sinundan ng Metro Manila na may 77 at Central Visayas, 69.

Ang mga rehiyon na nakapagtala ng pinakamataas na pagtaas ng kaso ay ang Central Visayas na may 1,050 porsiyento o 69 mula sa anim; Mimaropa, 633 percent o 22 mula sa tatlo, at Central Luzon, 308 percent o 49 mula sa 12.

Tanging ang Cordillera Administrative Region lamang ang nag-ulat ng pagbaba ng mga kaso mula apat hanggang dalawa.

Isang pagkamatay na may kaugnayan sa tigdas ang naitala, isang case fatality rate na .2 porsyento.

Nauna nang sinabi ng DOH na ang lahat ng 17 rehiyon sa bansa ay nasa mataas na panganib para sa measles outbreak.

Binanggit ni Dr. Alethea de Guzman ng DOH-Epidemiology Bureau ang mababang immunization rate sa mga bata dahil sa banta ng impeksyon. RNT