19 arestado sa crypto scam; PNP nagbabala

19 arestado sa crypto scam; PNP nagbabala

June 15, 2022 @ 1:14 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na maging mas mapagbantay sa pag-iinvest ng kanilang pinaghirapang pera sa mga kahina-hinalang income-generating schemes.

Pinalakas ng PNP ang panawagan kasunod ng pagkakaaresto sa 19 na indibidwal na hinihinalang nang-engganyo sa kanilang mga biktima na mamuhunan sa isang hindi rehistradong kumpanya sa pamamagitan ng Cryptocurrency.

Noong Hunyo 11, nagsagawa ng entrapment operation ang PNP Cyber ​​Response Unit kasama ang mga tauhan ng Quezon City District Anti-Cybercrime Team at Securities and Exchange Commission (SEC) sa isang hotel sa Cubao, Quezon City.

Nasa kustodiya na ngayon ng PNP-ACG ang mga suspek at mahaharap sa kasong kriminal dahil sa paglabag sa Sections 8.1, 26.3 at 20.a ng Securities Regulation Code (SRC) na pawang may kinalaman sa Section 6 ng Republic Act 10175 o kilala bilang Cybercrime Prevention Act of 2012.

“We would like to remind the public not to fall prey to this too good to be true business, promising a huge amount of return within a span of time. If you encounter anything like this, don’t hesitate to report to authorities,” sabi ni PNP OIC Lt. Gen. Vicente Danao Jr.

Sinabi rin ng PNP sa publiko na kung may pagdududa, maaari nilang palaging suriin sa SEC ang pagiging lehitimo ng isang kumpanya ng pamumuhunan na maaaring magtangkang mangolekta ng pera mula sa kanila. RNT