19 drug surrenderees nagtapos sa reformation program

19 drug surrenderees nagtapos sa reformation program

December 23, 2022 @ 5:24 PM 1 month ago


MAGUINDANAO DEL SUR- Inaasahan ng lokal na pamahalaan ng Datu Montawal na tuluy-tuloy na ang pagbabagong buhay ng mga dating drug surrenderees na nagtapos kahapon sa kanilang reformation program sa probinsya.

Ayon kina Datu Montawal Mayor Datu Ohto Montawal at Governor Bai Mariam Sangki Mangudadatu, na magkatuwang sa naturang programa, umabot sa 19 drug surrenderees ang nagtapos sa reformation program ng Balay Silangan sa Datu Montawal Maguindanao Del Sur.

Anila, pinagsisikapan ng pamahalaan ang mga nasasangkot sa illegal na droga na tulungan para magbagong-buhay at mabigyan ng oportunidad.

Sinabi pa ng dalawang opisyal ng nasabing lalawigan na handa silang tumulong sa mga nangangailangan at nais magbagong buhay alang-alang sa kanilang pamilya at mga anak.

Subalit, sa mga matitigas ang ulo at patuloy ang bisyo sa illegal na droga ay siguradong may kalalagyan sila at managot sa batas.

Sinaksihan naman ng mga opisyal ng LGU, militar, pulisya, PDEA-BARMM, PGO Officials at ibang ahensya ng pamahalaan ang reformation program graduation ceremony ng 19 drug surrenderees.

Magugunitang unang naglabas ng shoot to kill order ang lokal na pamahalaan ng Montawal sa mga sangkot na indibidwal o grupo sa kalakalan ng illegal na droga lalo na kung ang mga ito ay manlaban sa mga awtoridad.

Habang may karagdagang gantimpala sa makakahuli ng buhay o kaya patay sa mga drug traffickers.

Nakatanggap naman ng mga pamaskong regalo ang mga nagtapos na drug surrenderee mula sa alkalde at gobernador. Mary Anne Sapico