19 sunog dulot ng paputok naitala ng BFP

19 sunog dulot ng paputok naitala ng BFP

December 23, 2022 @ 4:45 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng Bureau of Fire Protection (BFP) nitong Biyernes, Disyembre 23 na nakapagtala na sila ng 19 na insidente ng sunog dulot ng paputok ilang araw bago ang Bagong Taon.

“Sad to note, ngayon pa lang po, nasa 19 fire incidents na po related to firecrackers or fireworks. So sana po hindi na po ito madagdagan,” sinabi ni BFP spokesperson Superintendent Annalee Atienza kasabay ng public briefing.

Sa kabila nito, handa naman umano ang mga tauhan ng BFP na rumesponde sa kabi-kabilang sunog.

Matatandaan na nitong Huwebes, Disyembre 22 ay hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga local government units na magsagawa na lamang ng fireworks display upang salubungin ang Bagong Taon.

“Ang gawin na lang natin ay I will enjoin the LGUs, instead of allowing our people to have their own firecrackers, gumawa na lang kayo ng magandang fireworks display para sa inyong mga constituent,” ani Marcos sa isang panayam.

Nagpaalala rin siya ng panganib na dulot ng paputok.

Nauna nang nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na mahigpit na sundin ang mga batas at regulasyon na nakasasakop sa paggamit ng firecrackers at pyrotechnics.

Kabilang dito ay ang paglalaan ng firecracker display zone at community display area kung saan lamang maaaring gamitin ang mga paputok. RNT/JGC