192K parak ipakakalat sa Pasko-PNP chief

192K parak ipakakalat sa Pasko-PNP chief

December 19, 2022 @ 9:03 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Aabot sa 192,000 tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang ipapakalat sa buong bansa upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa panahon ng Kapaskuhan, sinabi ni PNP chief Police General Rodolfo Azuri Jr.

Ipapakalat ang mga pulis sa lahat ng lugar ng convergence kung saan inaasahang gugulin ng mga tao ang kanilang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, sabi ni Azurin sa isang panayam sa Super Radyo dzBB.

Sinabi pa ng PNP chief na magta-tap sila ng mahigit 29,400 force multipliers sakaling kailanganin ng karagdagang presensya ng pulisya.

Nagtatag din sila ng police assistance desk sa mga convergence areas at motorist assistance center sa mga pangunahing kalsada.

Sa ngayon, wala pang major untoward report sa Metro Manila kasunod ng pagsisimula ng Simbang Gabi, ani Azurin.

Samantala, nagbabala ang PNP chief sa publiko na mag-ingat sa mga magnanakaw sa mga shopping center at iba pang pampublikong lugar.

“’Yung mga salisi sa mga malls, sa simbahan, lalo na sa Divisoria… sana pag-ingatan nila ang kanilang kagamitan… maging alerto sa lahat ng oras,” aniya.

“And then siyempre ang mga akyat-bahay naman, siguraduhin natin kapag tayo ay aalis ng ating mga bahay lalo na kung mahabang oras, siguraduhin nating naka-padlock ang mga bahay natin,” dagdag pa ng hepe.

Bukod dito, sinabi ni Azurin na magpapatrolya ang pulisya kasama ang mga opisyal ng barangay upang pangalagaan ang bawat tirahan laban sa mga magnanakaw. RNT