195 sa 223 Noche Buena items nagmahal – DTI

195 sa 223 Noche Buena items nagmahal – DTI

November 23, 2022 @ 3:27 PM 5 days ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) nitong Miyerkules, Nobyembre 23 na halos lahat, o 195 sa 223 Noche Buena items na mabibili sa merkado ang nagmahal.

Ito ay kasunod ng inilabas nilang price guide para sa mga mamimili at retailers na bibili na ng mga panghanda para sa darating na Pasko.

Kabilang sa price guide ang mga produkto tulad ng ham, queso de bola, pasta o spaghetti, elbow macaroni, fruit cocktail, salad macaroni, spaghetti at tomato sauce maging ang creamer o all-purpose cream.

Ayon sa DTI, dahil hindi maituturing na basic necessities at prime commodities na itinakda sa Republic Act No. 75181 na inamyendahan ng RA No. 10623, ang mga ito ay maaaring magkaroon ng taas-presyo.

Sa nabanggit na bilang ng mga nagmahal na Noche Buena items, 94 sa mga ito ang nagtaas ng mahigit 10%, 51 naman ang nagmahal mula 6% hanggang 10% samantala 50 items naman ang nagmahal ng 1% hanggang 5%.

Ang nalalabing walong produkto naman ay hindi nagbago.

Samantala, mayroong 18 bagong product variants ang idinagdag sa listahan.

Ayon sa DTI, posible pang tumaas ang presyo ng Noche Buena items dahil sa pagmahal din ng mga sangkap at raw materials sa paggawa ng mga ito. RNT/JGC