1987 Constitution gustong kalkalin ni Padilla; Pederalismo isasama

1987 Constitution gustong kalkalin ni Padilla; Pederalismo isasama

July 21, 2022 @ 5:04 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Panahon na para repasuhin ang ilang probisyon ating Saligang Batas – kasama na ang pagkaroon ng pederalismo at parliamentary government – para matupad ang layunin nitong bigyan ang Pilipino ng makatarungang lipunan, ayon kay Senador Robin C. Padilla.

Ayon kay Padilla, may mga probisyon sa Saligang Batas ay nagiging sagabal sa paglago ng pag-unlad ng ating ekonomiya at kabuhayan.

“While sovereign Filipino people promulgated the Constitution in order to build a just and humane society, it is unfortunate that after 35 years from its effectivity, we have yet to attain a ‘just and humane society,'” ani Padilla sa kanyang Senate Resolution 6.

Ikinalungkot ni Padilla na hindi pantay-pantay ang paglago ng ekonomiya, at nakasentro ito sa iilang rehiyon – 57 porsyento sa Metro Manila, Gitnang Luzon at Calabarzon; at 43 porsyento lang sa ibang rehiyon mula 2019 hanggang 2021.

Dagdag ng mambabatas, dapat ding pag-aralan ang pederalismo para mas maayos na matugunan ang alalahanin ng mamamayan sa iba’t ibang rehiyon.

Iginiit ni Padilla na sa ilalim ng federal form of government, hindi na centralized ang kapangyarihan ng gobyerno – habang sa ilalim ng parliamentary system, magkakaroon ng mapayapang pagtanggal sa pinuno hindi tulad ng kudeta o “mob rule.”

Samantala, ipinunto ni Padilla na dapat pag-aralan ang economic provisions ng Saligang Batas dahil marami itong restrictions sa foreign equity sa natural resources, public utilities, build-operate-transfer projects, equity sa mass media, at iba pa.

“As it is hereby resolved to direct the Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes (the Committee) to review and study the 1987 Constitution for possible revision on the provisions particular to the form, structure, and power of government, economy and patrimony, and for other purposes,” ani Padilla sa kanyang resolusyon. Ernie Reyes