19th Congress bubuksan ng Senado; nangakong tutulong sa pagpapasigla ng ekonomiya

19th Congress bubuksan ng Senado; nangakong tutulong sa pagpapasigla ng ekonomiya

July 24, 2022 @ 11:00 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nakatakdang buksan ng Senado ang 19th Congress sa Lunes, Hulyo 25, 2022 habang naghahanda sa kakaharaping hamon sa naghihingalong ekonomiya upang makabangon mula sa epekto ng kasalukuyang pandemya ng COVID-19 at pandaigdigang sigalot.

Inaasahang pangungunahan ang pagbubukas ni Acting Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ang Unang Regular Sesyon at paghalal ng bagong opisyal sa Senate Plenary Hall bukas. Ipupokpok ni Zubiri ang ceremonial gavel dakong 10 ng umaga bilang simbolo sa pagbubukas ng sesyon.

Maghahalal ang mga senador ng kanilang opisyal sa bagong Kongreso, kabilang ang Senate President, Senate President Pro-Tempore, Majority Leader, Secretary at Sergeant-at-Arms. Magiging minority leader naman ang matatalong kandidato sa pagka-Senate President na tradisyunal na ginagawa sa Mataas na Kapulungan.

Pangungunahan ni Zubiri ang Upper Chamber bilang ika-24 presidente ng Senado.

Nangako naman si Zubiri sa nakalipas na pahayag na bibigyan prayoridad ang pagpasa ng pambansang badyet kabilang ang pondo sa stimulus package na magbibigay tulong sa nasalantang industriya at sektor na lubhang naapektuhan ng pandemya at kasalukuyang isyu sa ekonomiya.

Tiniyak din ni Zubiri na ipapasa ang mga panukalang batas upang labanan ang tumataas na implastyon, pagpapasigla ng ekonomiya, pagbaba sa halaga ng pangunahing bilihin at palakasin ang patakaran sa edukasyon.

Kabilang sa mga bagong halal na senador sina : Sen. Robin Padilla (26,612,434 total votes), Sen. Raffy Tulfo (23,396,954) at Sen. Mark Villar (19,475,592). Nagbabalik naman sina Sen. Alan Peter Cayetano (19,295,314), Sen. Chiz Escudero (20,271,458), Sen. JV Ejercito (15,841,858), Sen. Jinggoy Estrada (15,108,625) at Sen. Loren Legarda (24,264,969).

Magpapatuloy naman sa ikalawang magkakasunod na termina sina Senador Sherwin Gatchalian (20,602,655 total votes), Risa Hontiveros (15,420,807), Joel Villanueva (18,486,034) at Zubiri (18,734,336).

Pagkatapos ng sesyon sa umaga, nakatakdang magtungo ang mga senador House of Representatives para sa joint session of Congress upang saksihan ang unang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Ernie Reyes