1K PATAY SA HEAT WAVE; BAHA PUMAPATAY RIN

1K PATAY SA HEAT WAVE; BAHA PUMAPATAY RIN

July 20, 2022 @ 7:07 PM 4 weeks ago


NAGHAHALO ang balat sa tinalupan sa mundo kaugnay ng nagbabagong klima dahil sa pag-iinit ng mundo.

Sa Europa, lalo na sa Portugal at Spain, nasa 1,000 na ang patay sa sobrang init ng panahon at marami rin dito ang nalilitson nang buhay sa mga wild fire.

May mga namamatay rin sa hirap sa paghinga dahil sa sobrang usok mula sa mga wildfire.

Kasama ang France ngayon sa may mga wild fire din na kung saan-saan sumusulpot.

Ang Great Britain, nagdeklara na rin ng national emergency dahil sa init ng panahon at maaaring magkaroon ng mga patay rin sa init ng panahon.

Noong summer sa taong 2020, may namatay na 2,500 sa heat wave dito.

Lagpas na sa 40 degrees Celsius ang init sa ilang lugar sa nasabing mga bansa.

Kaya naman, kusa nang umaapoy ang mga damo o laglag na dahon mula sa mga punong kahoy.

Ngunit may ilang lugar ding umaabot na sa 47 degrees Celsius ang init sa kapaligiran.

Dito kusang namamatay ang mga kalamnan ng tao at may mga nahi-heat stroke na nakamamatay.

At heto na nga, nasa 1,000 na ang patay sa Portugal at Spain.

BAHA PUMAPATAY NAMAN SA ASYA

Sa mga araw na ito, may 6 patay sa Beichuan Qiang, Sichuan at 6 din sa Longnan, Gansu sa bansang China ang namatay sa baha.

Sa Afghanistan, may 19 namatay sab aha bago magtapos ang Hunyo 2022 at simula noong Hulyo 5, may 39 na ring patay sa baha pa rin.

Kasabay ng ulat dito ang pagkamatay rin ng nasa 25 Pinoy dahil sa pananalasa ng bagyong Agaton na nagdulot ng matitinding pagbaha.

Nitong kalagitnaan naman ng Abril, may namatay namang 148, pangunahin sa baha na dulot ng bagyong Agaton.

At may mga paisa-isa ring namamatay sa mga baha sa mga araw na ito sa Cordillera at Mindanao.

Wala pa ang talagang nakamamatay na malalakas na bagyo na tiyak na lilikha ng mga baha ni Noe sa mahal kong Pinas.

Sana naman, wala nang mga Ondoy, Pablo at iba pa na pumatay ng mga daan-daan at libo sa kanilang pagdating sa atin.

MAGHANDA NA NANG TODO

Ngayon pa lang, maghanda-handa na tayo sa mga darating na malalakas na bagyo, siyam-siyam na ulan at mga lilikhain nilang mga landslide na pumapatay at sumisira nang labis sa mga ari-arian tag-ulan ngayon.

Ayon sa mga siyentista, kung gaano lumilikha ang pag-iinit ng mundo ng heat wave sa Europa, gayundin na lumilikha ito ng mga malalakas na bagyo at siyam-siyam na ulang kahit saang panig ng mundo.

At kabilang na ang Pinas sa mga madalas na bagyuhin, bahain at landislaydin.

Ano-ano na ba ang ating mga paghahanda rito?

Pinakamabisang paghahanda ang pagtutulungan ng pamahalaan at mamamayan laban sa sungit ng panahon, baha at landslide.

Dapat maagap sa pagtaya sa panahon ang pamahalaan at pagbibigay ng babala at pag-ayuda sa mga mamamayan.

Ang mga mamamayan naman, dapat makinig at magpraktis na rin laban paparating na kalamidad na dala ng tag-ulan.