1K pulis ng MPD inaasahang ipakakalat sa Undas

1K pulis ng MPD inaasahang ipakakalat sa Undas

October 14, 2022 @ 11:19 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inaasahang magpapakalat ng 1,000 police personnel ang Manila Police District (MPD) sa darating na Undas.

Sinabi ni MPD Director P/Brig.Gen.Andre Dizon, ito ay upang mapanatili ang seguridad sa sementeryo lalo na sa Manila North Cemetery para sa mga magtutungo sa sementeryo upang bisitahin ang kanilang mahal sa buhay.

Pero ayon kay Dizon, patuloy pa ang kanilang paghahanda at pag-uusap sa mga posibleng mga hakbang o precautionary measures lalo pa’t inaasahang muling dadagsain ng tao ang Manila North Cemetery na itinuturing na pinakamalaking sementeryo sa bansa.

Matatandaan ipagbawal sa loob ng dalawang taon ang tradisyonal na Undas dahil sa pandemya dulot ng COVID-19.

Dagdag pa ni Dizon, nakatakda rin itong mag-inspeksyon sa sementeryo ngunit hindi pa tiyak kung kailan ito isasagawa.

Aniya, pagsapit ng alas-5 ng hapon ay hindi na rin sila magpapapasok ng tao dahil ipagbabawal ang overnight.

Ayon sa pamunuan ng Manila North Cemetery, bubuksan ito sa publiko mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2 pero paalala ng direktor ng sementeryo na si Roselle Castañeda, dapat bakunado laban sa COVID-19 ang mga papasok habang ipagbabawal din ang mga batang edad 12 pababa na bumisita sa sementeryo.

Ipagbabawal din ang pagpasok ng mga matatalas, alak, armas sa loob ng MNC gayundin ang mga vendor ay ipagbabawal din.

Samantala, papayagan na lamang ang mga libing hanggang Oktubre 28 at magbabalik ito sa Nobyembre 3.

Ang huling araw naman na ibinigay ng Manila North Cemetery para sa paglilinis ng mga puntod ay hanggang Oktubre 25 lamang. Jocelyn Tabangcura-Domenden