1M estudyante nakinabang sa Libreng Sakay ng LRT2

1M estudyante nakinabang sa Libreng Sakay ng LRT2

October 12, 2022 @ 3:09 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa mahigit isang milyon mga estudyante ang naserbisyuhan at nakinabang sa libreng sakay ng Light Rail Transit-Line 2 (LRT2).

Ito ang sinabi ni Light Rail Transit Authority (LRTA) administrator Hernando Cabrera nitong Miyerkules, Oktubre 12 kung saan nasa 30,000 estudyante araw-araw ang sumasakay sa LRT2 ng libre mula nang magsimula ang programa noong Agosto 22.

Nitong Martes lamang ay nakapagtala ng 38,000 estudyante ang sumakay sa LRT2 na pinakamataas na daily student ridership mula Agosto.

“As of yesterday, meron na tayong nabigay na libreng sakay para sa ating estudyante na 992,000. But on the daily average, meron tayong around 30,000 every day na libreng sakay para sa ating estudyante…Kapag kinombine natin ‘yung yesterday at ngayon araw, umabot na tayo sa one million mark natin,” ani Cabrera sa public briefing.

Maliban sa LRT2, nag-aalok din ng libreng sakay ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT3) at Philippine National Railways (PNR) sa mga estudyante batay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay Cabrera, magtatagal hanggang Nobyembre 5 ang libreng sakay para sa mga estudyante at magkakaroon naman ng 20% student fare discount pagsapit ng Nobyembre 6.

Nang tanungin kung may posibilidad ba ng pagpapalawig ng programa, wala pa umano silang natatanggap na rekomendasyon.

“So far, wala pa tayong natatanggap na abiso o any instructions para sa kanyang extension. Hinihintay natin ‘yan, but ready tayo. Just anytime sabihin lang nila na i-extend ‘yan, ready tayo to implement that,” paglilinaw niya.

Inaasahan aabot sa 2.2 milyon estudyante ang makikinabang sa libreng sakay ng LRT2. RNT/JGC