1M pabahay kada taon siniguro ni PBBM

1M pabahay kada taon siniguro ni PBBM

February 28, 2023 @ 10:18 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – NANGAKO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magtatayo ang kanyang administrasyon sa pamamagitan ng “National Pabahay Para sa Pilipino Housing” (4PH) ng 1 milyon na housing units kada taon o 6 million units sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2028.

“Layunin po ng programang ito na makapagpatayo ng isang milyong pabahay sa bawat taon ng aking termino bilang Pangulo. Dahil ang kakulangan ng housing para sa ating mga kababayan ay tamang-tama umabot na sa 6 million ang kulang. Kaya’t hinahabol po natin ‘yang 6 million na numero na ‘yan,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati.

Pinangunahan ni Pangulong Marcos kasama sina Cebu Governor Gwendolyn Garcia, Cebu City Mayor Michael Rama, Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Rizalino Acuzar at Speaker Martin Romualdez ang groundbreaking ceremony ng Cebu City South Coastal Urban Development Housing Project sa South Road Properties (SRP) sa Barangay Basak San Nicolas, Cebu City.

Ang housing project sa SRP at iba pang 4PH housings ay dinisenyo para sa minimum wage earners, informal settlers, sa mga nakatira sa danger zones, at iba pang miyembro ng poor communities na naghahangad ng mura, simple, at komportableng bahay.

Tiniyak din ng Pangulo na ang gobyerno ay mag-aalok ng “affordable monthly payments” para sa mga nasabing housing units.

“Sisiguruhin natin na mananatiling abot-kaya ang buwanang hulog at bayad para sa mga bahay na ito kaya patuloy po ang ating pakikipag-ugnayan sa Kongreso upang maging matagumpay ang programang ito.,” aniya pa rin, siniguro sa publiko na ang housing units na itatayo ay de-kalidad at kayang tumayo kapag may kalamidad.

Sa kabilang dako, sinabi pa ng Pangulo na ang proyekto ay kinabibilangan ng pagtatayo ng pasilidad gaya ng eskuwelahan, pamilihan, health centers, at ilang economic structures sa komunidad.

“Therefore, it cannot be just a house. We need all the needs as I mentioned: markets, schools, even churches, also for children to play, not far from the work of the parents, this is all necessary to think about,” ayon sa Pangulo. RNT