1M trabaho para sa mga Pilipino, naabot na ng gobyerno – DTI

1M trabaho para sa mga Pilipino, naabot na ng gobyerno – DTI

May 4, 2022 @ 5:29 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Naabot na ng gobyerno ang target nitong makapagbigay ng isang milyong trabaho noong nakaraang taon bilang bahagi ng employment recovery plan dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez, ang pagpapatuloy ng “Build, Build, Build” program ay nakalikha ng nasa 700,000 trabaho sa sektor pa lamang construction.

Nakalikha naman ng 200,000 job opportunities ang student employment program ng Department of Labor and Employment ang ang livelihood package nito.

“Mayroon silang [DOLE]service contracting program, libreng sakay, 11,200 [jobs]. [Sa Department of Environment and Natural Resources] may sustainable rural development, at saka ‘yung DOST, small enterprise trading program. Lahat don, kulang 1 million na ‘yon,” ani Lopez.

Ayon pa sa kalihim, hindi pa kasama rito ang mga trabahong nalikha sa sektor ng turismo.

“Ngayon, ang pagbubukas ulit ng tourism sector –hotels, restaurants, mga resorts, tourism –related services. Easily aabutin talaga nating more than 1 million with all these sectors na hindi pa natin nakikita.”

Noong nakaraang taon, matatandaang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang executive order na nag-adopt sa National Employment Recovery Strategy (NERS), na layong lumikha ng mga livelihood at training opportunities sa mga job seeker sa tulong na rin ng mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor.

Samantala, batay sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority, tumaas sa 3.13 million ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho noong Pebrero na mas mataas sa 2.93 million na naitala noong Enero. RNT/ JCM