1st 100 days ng Quezon gov’t: Tumutugon na mga serbisyo

1st 100 days ng Quezon gov’t: Tumutugon na mga serbisyo

October 13, 2022 @ 5:04 PM 2 months ago


MINARKAHAN ni Doktora Helen Tan ang kanyang unang 100 days bilang kauna-unahang Quezon governor sa pagtatampok ng kanyang mga inilunsad na serbisyo at reporma.

Pangunahin dito ang maayos na paghahatid ng health services sa Quezon Medical Center mula nang kanyang ipag-utos ang mga bagong polisiya at sistema rito.

Tampok din ang provincial satellite offices sa mga lungsod at bayan sa lalawigan para sa mas mabilis at maginhawang paglalaan ng assistance sa mga nangangailangan.

“We presided over the province 100 days ago that is deep in debt and in financial disarray – isang lalawigang may malaking pagkakautang at masalimuot na pananalapi ang sa atin ay bumulaga,” bulalas ng gobernadora.

Kanyang iniulat ang P1.1 bilyon na pagkakautang ng lalawigan na ginamit para sa mga proyektong hindi pa napakikinabangan o di naman kaya ay walang malaking pakinabang sa mamamayan.

Bilang bahagi ng pagsasaayos ng pananalapi ng lalawigan, kanya ring ipinag-utos ang pagtatayo ng price monitoring committee sa ilalim ng General Services Office at ang pagtiyak na ang halaga ng lahat ng purchase requests ay alinsunod sa presyo sa merkado upang makatipid at maiwasan ang katiwalian.

Ibinida rin ni Tan ang agad na paghahanda at paghahatid tulong ng kapitolyo para sa mga nasalanta ng Bagyong Karding kung saan humigi’t-kumulang P37 milyon ang naipamahagi bilang financial assistance sa mga biktima.

“I am never as inspired and as committed as I am now because I know that in spite of the difficulties, in the face of the obstacles, and amid the challenges – change is possible, change can happen, and the people are rooting for us to make this change come true,”, dagdag pa ng dating mambabatas.

Matapos ang first 100 days, meron na lamang natitirang 1,000 araw upang gawin ang mandatong ipinagkatiwala ng mamamayan, aniya.

“A progressive and healthy Quezon province as the prime agri-tourism destination in the region by 2030, uplifted by reliable and inclusive services, competent leadership, and empowered citizenry,” ayon kay Tan.

Kanya ring pormal na isinumite sa Sangguniang Panlalawigan ang napagkasunduang Executive-Legislative Agenda kung saan napapaloob ang kanyang mga programa at inisyatibang gagawin sa natitirang mga araw ng kanyang unang termino sa pamamagitan ng kanyang platapormang HEALING na tumatayo para sa Health, Education, Agriculture, Livelihood, Infrastructure, Nature and Environment/Tourism, at Good Governance.